Natuwa si Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Director PBgen. Rudolph Dimas sa hatol ng korte na “guilty” sa anim na akusado sa pagdukot ng isang estudyante noong Agosto 2018.
Pinuri naman ng heneral ang Department of Justice (DOJ) Anti-Kidnapping Task Force na nagpursige ng kaso sa korte, at mga tauhan ng AKG na naging dahilan nang pagkakaligtas ng biktima.
Batay sa desisyon ni Judge Marlo Malagar ng Manila Regional Trial Court, hinatulan ng Reclusion Perpetua ang mga suspek na sina Justine Mahipus, Julius Atabay, Gabriel Rabi at Billy Rocillo; at reclusion temporal naman ang ipinataw kina Ralph Camaya at Ferdinand dela Vega.
Ang mga akusado ay napatunayang “guilty” sa kidnapping for ransom and serious illegal detention sa ginawa nilang pagdukot at pagpapatubos sa halagang 30 milyon sa biktimang si Denzhel Alexandre Gomez, na noo’y estudyante ng Letran College.
Hindi pinanigan ng korte ang depensa ng mga akusado, na noo’y mga estudyante rin sa naturang paaralan, na ang ginawa nilang pagdukot sa biktima ay bahagi lang ng fraternity initiation.