Tiniyak ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR na sisilipin nila ang lahat ng anggulo, kaugnay sa nangyaring pananambang ng mga armadong lalake sa convoy ni Lanao del Sur Gov. Maminal “Bombit” Adiong Jr.
Sa report ni PRO-BAR Director PBGen. John Guyguyon sa Kampo Krame, bagama’t maraming lumalabas na anggulo hinggil sa motibo sa pananambang, makabubuting hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon naganap ang insidente sa Maguing, Lanao del Sur kung saan patungo sana sa bayan ng Wao ang convoy nang mangyari ang pananambang at tinamaan ng bala ng baril si Adiong sa kanyang kanang baywang.
Habang sa paa naman tinamaan ang aide nitong si Ali Tabao na kapwa ginagamot na sa Bukidnon Provincial Hospital.
Samantala, kinumpirma rin ni Guyguyon na 4 ang nasawi sa insidente na kinabibilangan ng 3 Police escort at 1 sibilyan.
Kinilala ang mga ito na sina Juraij Adiong, Aga Sumandar, Jalil Cosain at isang alyas Kobi na siyang sinasabig driver ng sasakyan ng gobernador.