Isiniwalat sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means na pati ang cooking oil ay ini-i-smuggle na rin.
Ayon sa komite, hindi lang produktong petrolyo at langis ang ipinupuslit kundi maging ang cooking oil ay iligal na ring naipapasok sa bansa.
Aabot sa P300 bilyon ang mantikang naipalusot sa bansa.
Duda ang mga kongresista na may mga kasabwat sa Bureau of Customs (BOC) kaya naipupuslit ang nasabing produkto at napakabagal ng proseso para maparusahan ang mga nasa likod ng smuggling.
Inihalimbawa pa na sa lalawigan lamang ng Albay ay bumabaha ng palm oil galing Malaysia at naipupuslit ito sa pitong entries kasama ang Subic.
Pero katwiran ni Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (DA-BAI) Director Reildrin Morales, ang sinasabing P300 billion na halaga ng naipuslit na mantika sa bansa ay mula 2016 hanggang 2021.
Iginiit naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na kasalukuyan na ring iniimbestigahan ang nasabing isyu at nagsasagawa na rin ng audit sa mga kompanyang sangkot.