Nagbigay ng payo si Chief Presidential Counsel Salvador Panelo Jr. kay Lea Salonga kaugnay ng pagmumura nito sa Pilipinas, na naging viral sa social media kamakailan.
Ayon kay Panelo, kung mayroon daw sama ng loob ang international singer sa bansa ay huwag na raw niyang ibunyag sa sambayanan dahil posible itong mabigyan ng kulay ng sinumang makababasa.
Aniya, hindi magandang ehemplo na ang isang artista na tinitingala ng maraming Pinoy ay “hindi ginagalang ang bansa kung saan ito isinilang at naghanapbuhay.”
“Ang advise natin kay Miss Lea: cool ka lang. Kung ano man ang sama ng loob mo, huwag mong isapubliko lalo kung laban sa sarili mong bansa… kung saan ka kinikilala,” ani Panelo.
Bagama’t inamin ni Salonga na mainit lamang ang ulo niya kaya nakapagsalita ng “bad word,” sinabi ni Panelo na “palusot” lamang ito ng Broadway actress dahil na-bash ito ng matindi ng mga netizen.
Gayunpaman, wala raw kasong puwedeng isampa sa mang-aawit. Ang tangng tatatak lamang daw sa publiko ay ang umano’y pambabastos nito sa Pilipinas.