Tinanggal sa kanyang pwesto ang Chief of Police (COP) ng Candelaria, Quezon Municipal Police Station makaraang maaresto ang tatlo nitong tauhan sa kasong robbery extortion.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office Director Colonel Audie Madrideo, sibak sa puwesto si Lieutenant Colonel Jezreel Calderon dahil sa command responsibility.
Sibak din ang lahat ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Candelaria MPS.
Ngayon araw ay sumuko ang dalawa pang pulis na sina Police Staff Sergeants (PSSg) Joseph Francis L. Benedict at Rexter A. Cantos kasama ang kanilang abogado.
Sila ay nakatakas sa operation ng Philippine National Police- Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) kahapon kung saan naaresto ang tatlo nilang kasamahan na sina PSSg. Alvin Tabernilla Dimaranan, 41 years old; PSSg Samuel Adal Merluza, 38 years old; Pat John Paul Ymason Faulmani, 27; at apat na civilian na kanilang kasabwat.
Modus ng mga naarestong pulis na kapag may naaresto ang mga ito sa Anti-Illegal Drug Operation, sa halip na kasuhan ay hinuhulidap ang mga ito.
Gaya ng ginawa kay Oliver Balahadia na kinuha ang kaniyang ATM card at sinimot ang laman na naging dahilan para maaresto ang mga suspek.