Muling tatanggap ng lokal na turista ang Coron Island sa Palawan, na isa sa pangunahing destinasyon sa bansa simula sa December 1.
Ayon sa Coron Municipal Tourism Office, bukod sa mga residente ng Palawan, ang mga lokal na turista mula sa lahat ng rehiyon sa bansa na may edad 15-anyos hanggang 65 ang papayagang pumasok sa kanilang border.
Pero kailangan nilang mag-secure ng negatibong resulta ng RT-PCR test 48 hanggang 72 oras bago ang kanilang flight.
Kinakailangan ding mayroon silang accommodation bookings at tour packages mula sa establishments at tour operators na accredited ng Department of Tourism (DOT).
Pinayuhan ang mga bibisita na magparehistro sa www.corontourism.ph at mag-fill up ng online health declaration form.
Ang lahat ng turista ay magkakaroon ng health assessment sa triage area ng Busuanga Airport.
Ang mga symptomatic ay kailangang magbayad ng 3,500 pesos para sa follow-up antigen testing habang ang mga magpopositibo ay ipapadala sa hotel isolation room o local government identified center sa Palawan.
Kung severe ang COVID-19 symptoms ay agad na ipapadala ang pasyente sa Culion General Sanitarium para doon i-confine.
Ang Coron,Palawan ay ikinokonsiderang adventure paradise dahil patok ito sa diving, kayaking, island-hopping, snorkeling activities.
Kilala rin ang bayan sa mayamang marine biodiversity, white sand beaches, mangrove swamps at mala-asul na mga lawa.
Sa ngayon, aabot pa lamang sa dalawa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Palawan.