Coron, Palawan, bubuksan na ang mga beach at hotels nito sa Dec. 1

Suportado ng Department of Tourism (DOT) ang desisyon ng Coron, Palawan na luwagan ang kanilang travel restrictions simula bukas, December 1.

Sa ilalim nito, pinapayagan na ang mga lokal na turistang may edad 15 hanggang 65 taong gulang na pumasok sa lugar sa ilalim ng test-before-travel policy.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, makatutulong ito na muling sumigla ang tourism community sa Palawan at maibalik ang trabaho ang tourism workers.


Tutulungan nila ang provincial government sa pamamagitan ng pagtiyak na nasusunod ang health at safety protocols sa tourist sites, hotels at iba pang tourism-related establishments.

Aabot na sa 10 hotels at resorts sa Coron ang naisyuhan ng Certificate of Authority to Operate (CAO) ng DOT.

Ang mga turista ay kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR results 72 oras bago ang kanilang biyahe.

Mayroon din dapat silang pre-arranged booking sa DOT-certified accommodation establishments at tour operators.

Kung aprubado ang registration, bibigyan ang mga bibisita ng unique QR code na magsisilbing pass entry.

Ang Coron Island ay ikinokonsiderang adventure paradise dahil kilala ito sa leisure activities tulad ng wreck diving, kayaking, island-hopping at snorkeling at iba pa.

Facebook Comments