Inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang Corporate Income Tax and Incentive Reform (CITIRA) Bill na layuning bawasan ang corporate income tax rate at ma-neutralize ang mga kumpanya at negosyo sa bansa.
Sa botong 27 Yes at 2 No ay naipasa agad ang panukala salig na rin House Rule 10 Section 48 matapos na maaprubahan ang bersyon nito na TRABAHO Bill sa ikatlo at huling pagbasa noong 17th Congress.
Sa ilalim ng CITIRA, ibababa sa 20% ang corporate income tax ng mga kumpanya mula sa kasalukuyang 30%.
Sisimulan ang pagbabawas sa corporate income tax sa 2% sa kada taon hanggang sa tuluyang umabot sa 20% ang pagbaba sa corporate income tax.
Ipapatupad din ang rationalization ng mga fiscal incentives na ibinibigay sa mga negosyo na nais gawing performance-based, targeted, time-bound at transparent.
Tinitiyak naman na ang insentibo ay ibibigay sa mga karapat-dapat na negosyo at sa mga nagsisimula pa lamang na lumagong negosyo.
Layunin din ng pagbababa sa corporate income tax na makapanghikayat din ng mga mamumuhunan na magiging daan din para sa dagdag na trabaho sa mga Pilipino.