Corporate secretary ng Lucky South 99, pinatawan ng contempt at ikukulong sa Kamara

Sa pagdinig ukol sa mga ilegal na aktibidad at mga krimen na dulot ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ay pinatawan ng contempt at 30 araw na pananatili sa detention center ng Kamara ang corporate secretary ng Lucky South 99 na si Ronelyn Baterna.

Pasya ito ng House Committee on Public Order and Safety at Committee on Games and Amusements bilang pagkatig sa mosyon na isinulong ni Rep. Joseph Paduan na sinegundahan ni Rep. Romeo Acop.

Ito ay dahil para sa kanila ay umiiwas si Baterna sa mga tanong ng mga kongresista at nagsisinungaling tulad sa pabago-bagong sagot sa tanong kung sino ang kumuha ng abogado para sa POGO firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga matapos itong salakayin ng mga awtoridad.


Hindi tugma ang pahayag nito sa sinabi sa pagdinig ng abogado ng NFC Miralles Law Office na si Baterna ang nakipag-usap at nagpatawag sa kanila.

Binanggit naman ni Baterna sa pagdinig na receptionist lang siya sa kompanya noong 2019 at nai-promote bilang corporate secretary noong 2022 kung saan pagpirma sa mga papeles ang kanyang trabaho at kanya ding itinanggi na kilala niya ang mga may-ari ng Lucky South 99.

Samantala, sa pagdinig ay inusisa naman ni Batangas Rep. Gerville Luistro kay dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque ang Executive Order 13 na inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kinapapalooban ng “online gaming.”

Pero diin ni Roque, hindi siya familiar with EO 13 lalo’t mas bihasa siya patungkol sa international law.

Facebook Comments