Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi, maghahain ng petisyon hinggil sa naging resulta ng BOL plebescite sa lungsod

Nakatakdang maghain ng petisyon sa Commission on Elections si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi kontra sa naging resulta ng plebesito ng Bangsamoro Organic Law sa lungsod.

Nabatid na 36,682 ang bumotong “yes” para mapasama ang cotabato city sa bubuuing Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang 24, 994 ang “no”.

Ayon kay Mayor Sayadi – hindi ito ang tunay na repleksyon ng damdamin ng mga taga-Cotabato dahil halatang minanipula ang resulta ng BOL Plebescite.


Binigyang-diin ng Alkalde ang pananakot sa mga guro at ang pagkakaroon ng mga flying voter na aniya’y mga taga-suporta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Aniya, may mga hawak silang video na magpapatunay dito at handa ang kanilang kampo na isumite ito sa proper forum.

Ito rin aniya ang kauna-unahang pagkakataon na umabot nang ganon karami ang mga boto sa lungsod.

Samantala, itinanggi ni Sayadi ang akusasyon ng ilang kampong pabor sa BOL na kaya raw ayaw niyang mapasama ang Cotabato City sa BARMM ay dahil ayaw niyang mawala sa kanyang poder.

Giit niya, hindi ito totoo dahil marami ring supporters niya ang bumotong “yes” sa BOL.

Facebook Comments