Wala na munang ipatutupad na country classification simula sa Pebrero 1.
Ito ang inanunsiyo ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles base na rin sa inilabas na Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 159.
Ayon kay Nograles, Feb. 10 ay papayagan na rin ang pagpapasok sa mga dayuhan basta’t fully vaccinated at galing sa non-visa required country.
Maliban sa business o expertise na pakay na pagpunta sa bansa, papayagan na ring makapasok ang mga international tourist.
Ani Nograles, ito yung naudlot na kautusan ng IATF noong Dec. 1, 2021 dahil na rin sa banta ng Omicron variant.
Pagbibigay diin nito, dapat fully vaccinated ang mga dayuhang papasok ng bansa at kinakailangang makapagpresinta ng negative RT-PCR test result na kinuha 48 oras bago ito lumapag ng bansa.
Pinagtibay rin ng IATF na hindi na kailangan pang dumaan sa mandatory facility-based quarantine ang mga ito at kailangan na lamang na mag-self monitor ng pitong araw.