COUP D’ETAT CASE | 6 na testigo ihaharap ng kampo ni Trillanes

Manila, Philippines – Ihaharap ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV ang 6 na testigo sa Biyernes kasunod nang nakatakdang pagdinig ng Makati RTC Branch 148 sa sala ni Judge Andres Soriano kaugnay ng hirit ng Department of Justice (DOJ) na magpalabas ng alias warrant of arrest at hold departure order (HDO) para sa kasong coup d’etat laban sa senador.

Ayon kay Atty. Reynaldo Robles abugado ni Trillanes, una nilang testigo ay si dating Defense Secretary Delfin Lorenzana na una nang umamin na tinawagan umano sya ni Solicitor General Jose Calida at tinanong ang tungkol sa amnesty documents ng senador.

Ihaharap din nila si Colonel Josefa Berbigal, ang noon ay pinuno ng Department of National Defense Ad Hoc Committee na umano ay tumanggap ng aplikasyon ni Trillanes nang gawaran ito ng amnestiya noong 2011.


Maliban sa mga nabanggit na personalidad ay posible din nilang iharap sa korte ang ilang myembro ng DND Ad Hoc Committee at ilan pang indibidwal na makapagpapatunay na nakapagsumite ng application for amnesty ang kanyang kliyente.

Ang aplikasyon ng senador sa amnestiya ang nais makita ng hukom dahil tanging video footage ng umano ay paghahain ng aplikasyon ni Trillanes at ang certificate of amnesty lamang ang naipakita at naipresenta ng kanyang kampo.

Ang kaso ay nag-ugat makaraang ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iginawad na amnesty kay Senador Trillanes sa pamamagitan ng Executive Order 572.

Facebook Comments