Manila, Philippines – Hinimok ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang Department of Justice (DOJ) na bitawan na ang Coup d’etat case ni Senator Antonio Trillanes IV.
Ang panawagan ng kongresista ay bunsod ng pagbasura kahapon ng Makati RTC Branch 148 sa pag-aresto sa senador bunsod na rin ng deklarasyon ni Pangulong Duterte na ‘void’ o walang bisa ang amnestiya na iginawad kay Trillanes.
Giit ni Erice, dapat na ikunsidera na ng DOJ ang pagbitiw sa kaso ni Trillanes dahil mismong ang desisyon na rin ng korte ang nagsasabi na wala ng kaso laban sa senador.
Pinayuhan ng mambabatas ang pamahalaan na ang mabuting gawin ay lunukin ang ‘pride’ at tuluyan ng isara ang walang katuturan na isyu.
Aniya, kung ipililit pa rin ng DOJ ang paghahabol sa kaso ni Trillanes ay aksaya lamang ito sa oras at resources ng gobyerno.
Nagbabala pa si Erice na pahihirapan lamang ng DOJ ang Korte Suprema kung ang isyu ay iaakyat pa sa kataas-taasang hukuman lalo pa at papalapit na rin ang midterm elections.