Naghain ng reklamo ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para hilinging mabawian ng operating licenses ang J&T at mga franchise partners dahil sa unlawful business practices.
Ang hakbang ay kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na kung saan binigyang-diin ang digitization ng ilang pangunahing sektor sa bansa gaya ng logistics at supply chain.
“Because of the nature and the gravity of the violations and they’re so widespread, the punishment cannot be less than revocation. Dapat revocation na ng license to,” ayon kay dating Congressman at UFCC national advisor Jonathan Dela Cruz.
Ang UFCC ay isang advocacy group na nagbibigay proteksyon sa consumer rights at nagsisilbing tulay sa pagitan ng pamahalaan at publiko sa pagsusulong ng mga polisya at regulatory reforms.
Bilang bahagi ng adbokasiya ng grupo, mahigpit nitong binabantayan ang aktibidad ng mga logistics providers dahil sa mga reklamo ng mga consumers at sellers.
“Ang pagbabangon ng ekonomiya natin ay nangangailangan ng ganitong service sabi ni BBM. We call on President Bongbong Marcos to look into these rampant irregularities and anomalies purportedly being committed by J&T and their partners,” dagdag pa ni Dela Cruz.
Ayon sa UFCC, binabalewala ng J&T ang hakbang ng DICT na nagre-regulate sa postal delivery service. Kabilang umano sa nilalabag ng J&T ang Postal Service Act.
“Considering how pervasive J&T’s services are nationwide, its numerous violations against the Postal Service Act and other laws are sufficient grounds to revoke its ‘Authority to Operate Express and/or Messenger Delivery Service’ license,” paliwanag ni Dela Cruz.
Sinabi ni Dela Cruz na karamihan sa mga reklamong kanilang natanggap ay laban sa J&T bagaman nagsasagawa na rin sila ng pag-aaral at pagbusisi sa iba pang may kahalintulad na serbisyo.
Sa ipinadalang liham sa DICT, hinikayat ng UFCC ang ahensya na imbestigahan ang operasyon ng J&T at franchise partners nito na patuloy sa pagnenegosyo kahit walang karampatang franchise permits.
Dahil walang legal accreditation, sinabi ni Dela Cruz na walang kalaban-laban ang mga consumer kung ang kanilang packages ay darating ng sira o may damage.
“Without the proper legal accreditation, consumers are at the mercy of these businesses. They have no recourse if their packages are mishandled and identifying the perpetrators will be difficult because of the lack of publicly accessible documents,” paliwanag ni Dela Cruz.
Noong nakaraang taon, iniutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na imbestigahan ang J&T.
Hiniling din sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na inspeksyunin ang finances ng nasabing kumpanya.
Gayunman, hanggang sa ngayon, patuloy ang operasyon ng J&T.
Ayon sa UFCC kabilang sa mga reklamong kanilang natanggap laban J&T ay ang missing deliveries, overcharging sa mga kliyente gaya ng sobra-sobrang delivery fees, misuse ng private customer information, at unfair work policies.
Noong 2020, sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency ay may nakumpiskang 12 kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P81.6 million sa isang warehouse na pag-aari ng J&T.
“Up to now we have been gathering a lot of complaints. Lalo nga sumama ang kanilang operations eh. Sila-sila rin mismo sa organisasyon nila naglolokohan,” ayon pa kay Dela Cruz.
Noong Hunyo, nag-strike ang United Rank and File Employees of J&T Express (URFE) para manawagan ng mas maayos na labor conditions at pagbabayad ng kanilang overtime pay at health benefits.
Iginiit ng mga manggagawa na may mga hindi nababayarang overtime at binabawasan ang kanilang allowances. Inireklamo din nila ng forced labor ang kumpanya.
“Dapat nilang bayaran pa rin ang workers. And we will help them. Kawawa nga sila, sila nga ang frontliners pero they’re not given their due,” ayon kay Dela Cruz.
Kamakailan ay nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Labor and Employment (DOLE) para maglatag ng guidelines upang matugunan ang unethical terms of employment at labor standards na nararanasan ng mga delivery riders.
Umaasa si Dela Cruz na sa taong 2025, mas mapagbubuti pa ang logistics at supply chain efforts sa bansa.
“This is just the first of many efforts of the UFCC to help rehabilitate the country’s digital system. We hope to make this as one of our main advocacies as we progress into the digital economy,” paliwanag pa ni Dela Cruz.
Tiniyak pa ni Dela Cruz na babantayan din nila ang operasyon ng iba pang logistics providers.
“We focused on J&T because of their widespread and grave illegal acts. The complaints centered on the malpractices and fraud that have been imposed on their consumers, as well as the violation of labor laws they inflicted on their own work force,” aniya.