Duda ang kampo ng magkapatid na Pharmally executives na sina Mohit at Twinkle Dargani sa mabagal na pag-aksyon ng Court of Appeals (CA) sa inihain nilang petition for writ of habeas corpus.
Si Mohit ay nakakulong sa Pasay City Jail habang si Twinkle ay naka-house arrest.
Ayon sa abogado ng mga Dargani na si Atty. Ferdinand Topacio, inihain nila sa CA ang writ of habeas corpus petition noong pang Nobyembre.
Sa ilalim aniya ng Rules of Court ay dapat na aksyunan sa loob ng 48 oras o dalawang araw ang habeas corpus.
Binibigyan aniya dapat ang habeas corpus petition ng higit na prayoridad kaysa ibang kaso.
Pero sa halip aniya na mag-isyu ang CA Division na pinamumunuan ni Justice Apolinario Bruselas Jr. ay naglabas ito ng show cause order sa Senado.
Dahil sa kabiguan na aksyunan ang kanilang petisyon ay naghain naman sa CA sina Topacio ng tatlong motions to resolve pero wala pa ring aksyon ang korte.
Kaugnay nito, naghain na rin ng motion to inhibit ang kampo ng Dargani laban sa dibisyon nina Bruselas dahil sa unusual na pagtrato nito sa habeas corpus petition.
Sinabi ni Topacio na masyado nang nagigipit ang kaniyang mga kliyente lalo na’t mga inosente naman ito sa kaso.