Court of Appeals, nanindigan sa desisyon nito na huwag palabasin ng bansa si Rappler CEO Maria Ressa

Nanindigan ang Court of Appeals (CA) sa naging desisyon nito na huwag palabasin ng Pilipinas si Rappler CEO Maria Ressa.

Ito’y makaraang isapinal ng Appellate Court ang naunang ruling nito na nagbabawal kay Ressa na lumabas ng bansa matapos itong mahatulan ng korte sa kasong cyber libel.

Sa resolution ng CA Special 14th Division na pinamunuan ni Justice Danton Bueser, kasama sina Justice Geraldine Fiel-Macaraig at Justice Carlito Calpatura, ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ni Ressa na humihiling na payagan siyang makabiyahe patungong Estados Unidos.


Iginiit ng Court of Appeals na bagamat may karapatan, o constitutional right to travel si Ressa, siya ay nahatulan sa kasong kriminal at ang kanyang kalayaan ay nakasalig lamang sa pamamagitan ng bail o piyansa, na nagtatakda ng limitasyon sa kanyang pagbibiyahe.

Pinaliwanag din ng CA na nabigo rin ang petitioner na makapaghain ng bagong argumento na maaaring pagbatayan upang bawiin ang naunang ruling noong August 18, 2020.

Hindi rin napatunayan ng petitioner na mahalaga ang kanyang biyahe sa US.

Matatandaang si Ressa kasama ang kanyang dating researcher/writer na si Reynaldo Santos, Jr., ay hinatulan ng anim na taong pagkakabilanggo ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.

Facebook Comments