Pinagbabayad ng Court of Tax Appeals (CTA) ang Commission on Elections (COMELEC) ng mahigit P1 bilyon dahil sa deficiency nito sa withholding tax, kabilang ang interes para sa 2015.
Sa 22-pahinang desisyon, ibinasura ng CTA ang Petition for Review ng COMELEC sa desisyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Disyembre 2019 na nagpapatibay sa March 2019 Final Decision on Disputed Assessment (FDDA).
Ipinahiwatig ng FDDA na ang BIR ay mananagot na magbayad ng hindi bababa sa P1 bilyong deficiency withholding tax on compensation (WTC), expanded withholding tax (EWT) at withholding tax sa mga pagbabayad ng pera ng gobyerno, kasama ang interes para sa taxable year 2015.
Sinabi ng CTA na base sa rekord, ang Final Assessment Notice (FAN)/Formal Letter of Demand (FLN) na nakalakip sa Comelec’s Petition for Review na nagpapakita ng P1-billion withholding tax dues ay nararapat na natanggap ng Comelec’s Finance Service Department dahil ang FAN at FLD ay parehong may rubber stamp ng nasabing opisina.
Sinabi rin ng CTA na kahit tinanggap ng korte ang katwiran ng COMELEC na ang nakatanggap ng notice ay isang kaswal na empleyado, nabigo ang poll body na magbigay ng ebidensya na walang awtoridad na tumanggap ng mga dokumento para sa COMELEC ang nasabing empleyado.
Ayon sa korte, hindi binanggit ng COMELEC ang isyu ng pagiging angkop ng serbisyo ng BIR sa FLD/FAN sa mga protest letter na may petsang Pebrero 19, 2019, at Pebrero 28, 2019, at humingi pa ng paumanhin ang COMELEC sa pagkaantala sa pagtugon sa FLD/FAN.
Maghahain naman ng apela ang COMELEC sa naturang desisyon sa Korte Suprema, base na rin sa pahayag ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco.