
Hinihintay pa ngayon ang utos mula sa korte para sa pag-iisyu ng Interpol Red Notice kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.
Ito ang sinabi ng Department of Justice (DOJ) matapos matanong sa budget hearing ng kagawaran at attached agencies nito kung ano ang status ng kaso ni Roque na isa sa inireklamo dahil sa niraid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga noong nakaraang taon.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, maghihintay pa ng court order para sa red notice at sa kanselasyon ng kaniyang passport.
Nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking at regular human trafficking dahil sa umano’y partisipasyon nito hindi lamang bilang abogado ng Whirlwind corporation na kumpanyang nagpa-upa ng compound sa sinalakay na Lucky South 99.
Nitong Mayo, naglabas ng arrest warrant ang regional trial court sa Pampanga laban sa dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos makitaan ng probable cause sa paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Kasalukuyan, nananatili sa The Netherlands si Roque na umalis ng Pilipinas noon pang nakaraang taon.









