Muling nagpulong ang 5-man advisory group sa Kampo Krame na siyang sumasala sa courtesy resignations ng mga 3rd level officials ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP PIO Chief at 5-man Advisory Group Spokesperson PCol. Red Maranan sa ngayon umaabot na sa 217 courtesy resignations ng mga senior police officers ang na-evaluate ng komite.
Sinabi pa ni Maranan na nasa 600 pang mga courtesy resignations ang sasalain ng advisory group sa mga susunod nilang pagpupulong.
Paliwanag ng opisyal, ipagpapatuloy ng mga senior officer ang kanilang serbisyo kapag hindi tinanggap ng advisory group ang kanilang courtesy resignation.
Pero ang mga opisyal na mapapatunayang may derogatory information ay muling sasalang sa susunod na imbestigasyon at ebalwasyon ng National Police Commission.
Ani Maranan, target ng 5-man advisory group na matapos ang screening sa lahat ng courtesy resignations sa lalong madaling panahon o bago matapos ang 3-month deadline.