Courtesy resignation ni MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, naipadala na sa Camp Crame

Naghain ng kaniyang “courtesy resignation” si Manila Police District (MPD) Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon.

Ito ay bilang pagkasa sa naging panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na magsumite ng courtesy resignation ang mga full-fledged colonel at generals sa layong matanggal ang mga opisyal na sabit sa sindikato ng ilegal na droga.

Sa harap ng kaniyang mga tauhan sa MPD headquarters, ipinakita ni Dizon ang kaniyang courtesy resignation.


Emosyonal si Dizon habang inaanunsyo ang courtesy resignation niya kung saan naipadala na rin niya ang kopya sa headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame at National Capiutal Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Sinabi ni Dizon na suportado niya si Abalos at ang hangaring malinis ang hanay ng Pambansang Pulisya mula sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Aniya, sa loob ng higit 30 taon sa serbisyo, ngayon lamang siya kumasa sa panawagan upang mapangalagaan ang kaniyang kredibilidad gayundin ang PNP.

Habang hindi pa naman inaaprubahan ang kaniyang courtesy resignation, sinabi ni Dizon na tuloy ang trabaho niya kung saan nakatutok siya ngayon sa Nazareno 2023.

Panawagan naman niya sa ibang opisyal ng MPD, maari silang sumunod sa ginawa niyang hakbang pero boluntaryo ito at walang sapilitan.

Facebook Comments