Nakumpleto na ang delivery ng first batch ng COVID-19 vaccines na nakuha ng pamahalaan mula sa COVAX Facility.
Ito ay matapos dumating kagabi ang 38,200 additional doses na bahagi ng initial 525,600 doses ng AstraZeneca vaccine galing ng Amsterdam, The Netherlands.
Una nang dumating ang 487,200 doses nito noong March 4.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., patunay lamang na tiniyak ng World Health Organization (WHO) na may patas na pamamahagi ng bakuna lalo na sa mga developing countries.
Simbolo aniya ito ng pag-asa lalo na mga taong gustong maprotektahan ang kanilang sarili mula sa virus at nais na mabawi ang dating buhay na sinira ng pandemya.
Kaya muling hinikayat ni Galvez ang lahat na magpabakuna lalo na kapag naging available na ang bakuna sa kanilang lugar at manatiling sumunod sa minimum health standards.
Pinasalamatan ni Galvez ang World Health Organization (WHO), GAVI vaccine alliance, Coalition for Epidemic Preparedness Innovations (CEPI) at ang UNICEF sa pagpapadala ng unang tranche ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Nagpasalamat din siya sa European Union lalo na sa Germany, Norway, France, Italy, Spain, The Netherlands, Sweden, Denmark, Belgium, Austria, Greece at Australia para sa kanilang donasyon sa COVAX Facility.
Ang kabuuang vaccine doses sa bansa ay umakyat na sa 1,125,600.
Nasa 55.400 doses ng AstraZeneca at 317,350 doses ng Sinovac ang nai-deploy sa 100 ospital sa buong bansa.
Aabot 240,720 doses ang nakatakdang ipadala sa iba’t ibang ospital na may pagtaas ng COVID-19 cases kabilang ang National Capital Region (NCR), Central Visayas, CALABARZON, Davao at Metro Manila.