Pinaiimbestigahan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa Mababang Kapulungan ang umano’y sekretong paglipad ng US military planes sa Pilipinas.
Nakakabahala para kay Castro na hindi alam ng mga opisyal sa ating paliparan na tila nagiging US military base na ang ating buong bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at Visiting Forces Agreement.
Layunin ng imbestigasyon na isinusulong ni Castro na mabusisi ang buong detalye at tunay na intensyon ng nasabing covert US military flights gayundin ang epekto nito sa ating pambansang seguridad at kasarinlan.
Ibinabala rin ni Castro na ang nasabing aktibidad ng Amerika ay makapagpa-init pa sa tensyon sa West Philippine Sea at mag-udyok sa China na dagdagan pa ang kanilang mga barko sa bahagi ng karagatan na sakop ng ating teritoryo.
Kaugnay nito ay nananawagan din si Castro sa mamamayang Pilipino na maging mapagmatyag at maging aktibo sa paghingi ng katotohanan sa gobyerno ukol sa presensya at aktibidad ng mga dayuhang sundalo sa ating bansa.