COVID-19 active cases, posibleng sumampa ulit sa higit 50,000 sa Disyembre kung magpapabaya ang publiko

Pinangangambahang umakyat muli ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa Disyembre kung magpapabaya ang publiko sa pagsunod sa health protocols.

Ito ang paalala ng Department of Health (DOH) kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan nitong weekend matapos na ibaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, posibleng umakyat sa 52,393 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Disyembre kung maisasantabi ang mga safety measure at pandemic response lalo na kung babagal ang pagtukoy at pag-isolate sa mga nagpopositibo.


Pero kung mapapanatili ang kasalukuyang restriksyon sa mobility ng mga tao gayundin ang mabilis na detection-to-isolate rate sa loob ng limang araw, posibleng bumaba pa sa 22,000 ang active cases pagsapit ng November 15.

Hanggang kahapon, nasa 34,866 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa mula sa 50,000-mark noong October 30.

Facebook Comments