Posibleng umabot sa 60,000 ang aktibong COVID-19 case sa National Capital Region (NCR) sa susunod na buwan.
Ito ay kahit bumaba sa 1.67 mula sa 1.90 ang reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19 sa NCR sa loob ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay OCTA Fellow Prof. Guido David, kahit na pumalo sa 60,000 ang aktibong kaso sa kalagitnaan ng Setyembre, hindi naman ito inaasahang lalagpas sa 70,000.
Batay sa OCTA, mula sa 72% na COVID-19 growth rate noong nakaraang tatlong linggo ay bumaba na lang ito sa 48% sa nakalipas na dalawang linggo.
Bumagal din ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ngayong Agosto kumpara noong Abril dahil sa presensya ng mas nakahahawa na Delta variant.
Iginiit naman ng OCTA na para mapanatili ang pagbaba ng kaso ng COVID, kailangang magtuluy-tuloy ang paghihigpit sa publiko sa loob ng apat na susunod na mga linggo.