Cauayan City, Isabela- Inamin ng City Health Office na may surge o pagtaas muli ng kumpirmadong kaso ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Santiago City.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer, nagpatawag na ng pagpupulong si Mayor Joseph Tan sa lahat ng mga kapitan ng barangay para sa planong dagdag na checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Aniya, posibleng ang dahilan ng biglang pag-akyat ng bilang ng mga nagpopositibo sa virus ay ang pag-anunsyo ng National Government para luwagan ang pagpasok sa mga bayan o lungsod ng walang kaukulang dokumento.
Sa kasalukuyan, naghahanda na rin aniya ang lungsod sa posibleng dagsaan naman ng mga pasaherong uuwi sa siyudad matapos payagan ang byahe ng mga pampasaherong bus sa ilang ruta.
Bukod pa dito, problema rin ng LGU ang kakulangan ng mga pasilidad dahil sa paglobo ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Samantala, umakyat na sa 210 ang aktibong kaso ng lungsod habang 15 ang naitalang namatay dahil umano sa COVID-19, ayon kay Dr. Manalo.
Mungkahi ni Manalo ang mas lalo pang higpitan ang checkpoint upang masigurong hindi na lolobo pa ang kaso ng mga nagpopositibo sa sakit.