Umabot sa mahigit walong bilyong piso ang kabuuang halaga na inilabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2020 para sa pagtugon sa COVID-19.
Sa pagdinig ng Ways and Means Committee ng Kamara, sinabi ni PCSO Legislative Liaison Officer Gay Nadine Alvor na umabot ng P8.32 Billion ang naiabot na tulong ng PCSO para sa COVID-19 response ng pamahalaan sa kabila ng malaking ibinagsak ng kanilang kita matapos na magsara sa loob ng anim na buwan ang mga gaming activities dahil sa ipinatupad na lockdown bunsod ng pandemya.
Bukod dito, ay tuloy-tuloy pa rin ang PCSO sa iba nilang programa tulad ng pagtulong sa mga bayarin sa ospital, dialysis at pagbili ng gamot.
Sa report pa ni Alvor, nasa 788,995 indibidwal ang natulungan ng PCSO sa kanilang charity programs habang nasa 516,099 pamilya na apektado ng mga bagyo noong nakaraan taon ang nahatiran din ng tulong ng PCSO.
Bukod sa kanilang direct remittance sa PhilHealth na umabot sa P635 million, naglabas din ang PCSO ng direct remittance sa 126 ospital na hinugot mula sa SARS-Avian flu fund na P500 million.
Dagdag pa rito ang 50 ospital na natulungan sa pagbili ng mga Personal Protective Equipment at sanitation supplies at pamamahagi ng 250 na ambulansya sa mga Local Government Unit (LGU) at mga third class municipalities.
Naglabas din ng tulong pinansyal ang PCSO para sa mga Lotto agents na aabot sa P18 million.
Natukoy pa sa pagdinig na bumagsak sa P18.631 billion ang gross receipts ng PCSO noong 2020 na mas mababa ng kalahati sa P44.028 billion na gross receipts noong 2019.