Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pribadong ospital na dagdagan ang mga ilalaang kama para sa pasyenteng may COVID-19.
Sa kaniyang public address, iginiit ng Pangulo na kailangan ng pamahalaan ng suporta mula sa mga pribadong ospital lalo na at patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Paliwanag pa ng Pangulo, ang infection rate at recovery rate ay iba-iba sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Mayroon pang ilang lugar sa bansa ang napapag-iwanan dahil may ilang COVID-19 infections ang hindi natutukoy sa kasagsagan ng pandemya.
Sinabi ng Pangulo na magiging bahagi ng alaala ng mga Pilipino ang bawat tulong na kanilang natanggap sa oras na lumisan na ang pandemya.
Nabatid na nasa 20% ng bed capacity ang alok ng mga pribadong ospital sa mga COVID-19 patients.
Noong Agosto, umapela ang Department of Health (DOH) na itaas ito sa 30% ang capacity.