Hindi pa napapanahon na maibaba ang bansa sa ‘Alert Level 0.’
Ayon kay Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion, bago tayo magdesisyong bumalik sa normal ay dapat munang pataasin ang bilang ng mga naturukan ng booster shots.
Sa datos ng National Vaccination Operation Center (NVOC) hanggang noong kalagitnaan ng Marso, 73% na ng populasyon ng bansa ang fully vaccinated, 13% lamang dito ang nakatanggap ng booster dose.
Sa National Capital Region (NCR) naman, bagama’t 104% na ang fully vaccinated, 30% pa lamang din ang nakapagpa-booster na.
Babala ni Concepcion, kung hindi mapapahusay ang pagbabakuna sa iba pang rehiyon ng bansa, posibleng makaranas ulit tayo ng COVID-19 surge sa kalagitnaan ng taon.
Hindi naman sang-ayon Concepcion na i-require ang booster card sa mga mall dahil maaari itong makaapekto sa mga negosyo.
Sa halip, dapat aniyang gumawa ng paraan ang gobyerno para mailapit pa ang bakunahan sa mga tao at magbigay ng insentibo.