Patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila na maituturing ng nasa low risk.
Ayon kay Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, nakapagtala na lamang ang Metro Manila ng averaged 685 na bagong kaso mula Hunyo 16 hanggang 22 na mas mababa sa average na 825 daily new cases noong Hunyo 9 hanggang 15.
Dahil dito, ang Metro Manila ay mayroon na lamang Average Daily Attack Rate (ADAR) na 5.7 na kaso kada 100,000 population; hospital occupancy rate na 36.29%; at Intensive Care Unit (ICU) utilization rate na may 45.83%.
Sinabi rin ni De Guzman na nananatiling nasa high risk ang Regions 6, 11, 12 at Caraga dahil sa patuloy na naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19.
Umabot aniya ang ADAR ng Caraga sa 9.95 cases per 100,000 population; 8.83 sa Rgion 6, 8.16 sa Region 11, at 7.01 sa Region 12.
Ang iba namang lugar sa bansa na may mataas na ICU utilization rates ay ang Zambales, Tarlac, Pampanga, Misamis Occidental, Oriental Mindoro, at Benguet.