Kinumpirma ng Department of Health o DOH na Umaabot na sa 202 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay matapos madagdag ngayong araw ang panibagong labing-limang kaso.
Gayunman, mas maliit na bilang lamang ang nadagdag ngayon araw na ito sa confirmed COVID-19 cases kumpara kahapon na 45 new cases.
Umaabot naman ngayon sa labing-lima ang bilang ng mga nasawi sa COVID19 sa bansa matapos na tatlo pang pasyente ang binawian ng buhay ngayong araw.
Ito ay si patient 201, 58 anyos na lalaking Pinoy na taga-Lanao del Sur.
Ang pasyente may travel history sa Malaysia at namatay dahil sa Acute Respiratory Distress Syndrome (ARDS) next to COVID-19 at mayroon siyang diabetes.
Si patient 57 naman ay isang 65 anyos na lalaking Pinoy, taga-Pasig City at may travel history sa London.
Ang pasyente ay pumanaw dahil sa ARDS at pneumonia at mayroon din itong hypertension at diabetes.
Si patient 160 naman ay isang 86 anyos na babaeng Pinoy, mula sa San Juan City. Wala itong travel history o exposure sa taong positibo ng virus. Pumanaw ito dahil sa septic shock secondary to pneumonia. Ang pasyente, mayroon ring problema sa puso at kidney.
Samantala, umabot naman na sa pito ang gumaling mula sa COVID-19, ang isa sa kanila ay repatriate mula sa MV Diamond Princess cruise ship sa Japan.