COVID-19 cases sa bansa, higit 161,000 na; 40,397 new recoveries, naitala ng DOH

Nasa 3,420 mga bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health (DOH) ngayong araw.

Sa nasabing bilang, 2,091 ang naitala sa National Capital Region; 263 sa Laguna; 149 sa Cebu; 137 sa Batangas at 106 sa Rizal.

Sa kabuuang, aabot na sa 161,253 ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 46,002 ang active cases.


Animnapu’t lima (65) naman ang nadagdag sa bilang ng nasawi na ngayon ay aabot nasa 2,665.

Habang nasa 112,586 na ang kabuuang bilang ng gumaling matapos makapagtala ng 40,397 new recoveries.

Samantala sa virtual presser ng DOH, ipinaliwanag ni Usec. Maria Rosario Vergeire kung paano kinukuha ang time-based recovery sa ilalim ng kanilang “Oplan Recovery”.

Aniya, nagsisimula ang proseso tuwing Linggo kung saan tinitingnan ng DOH central office ang complete overall data base ng mga kumpirmadong COVID-19 cases kung saan kukunin ang listahan ng mga mild at asymptomatic cases na ang date ng specimen collection ay mahigit 14 days na ang nakakalipas.

Ipapadala ang datos sa mga regional offices na siyang ido-double check ng mga City Health Department at Local Government Unit (LGU) mula Lunes hanggang Biyernes para masigurong recovered na ang mga pasyente.

Pagsapit ng Sabado at Linggo, muling magsasagawa ng data quality at logic check ang DOH central office para masigurong tama ang datos saka ito iuulat tuwing Linggo.

“Malaki po ang role ng ating LGUs at CHD sa pagtatama ng mga datos na ito. Makikita niyo po na mabusisi ang prosesong ito at napakahalaga po na tama ang datos na ilalabas natin kaya maraming layers of cleaning and validation na pinagdadaanan ng mga recoveries na iniuulat po natin,” ani Vergeire.

Facebook Comments