Aminado ang Department of Health (DOH) na pareho na ang antas ng bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas ngayong buwan sa naitalang mga kaso noong Hulyo ng nakaraang taon.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau OIC Director Alethea de Guzman, ang naitatalang mga kaso ngayong Marso ay 2.5 na beses na mas mataas kaysa noong Enero.
Kung maalala, nag-ulat ang ahensya ng 3,000 hanggang 6,000 bagong kaso ng sakit noong Hulyo at Agosto ng taong 2020.
Habang sa nakalipas na 13 araw, nag-ulat ang DOH ng higit 3,000 hanggang 5,000 bagong kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Dr. De Guzman, hindi na lang sa komunidad kumakalat ang COVID-19 dahil nakikita na rin ito sa mga bahay na nagkakaroon ng hawaan ng virus.
Maliban dito, nagkakaroon na rin aniya ng clustering sa workplaces at sa mga establisyemento.
Giit pa ni De Guzman, bagama’t nakakaapekto na rin sa pagsipa ng COVID-19 cases ang “variants of concern” ng SARS-CoV-2, malaki pa rin ang papel ng hindi pagsunod ng publiko sa health protocols at pagluluwag ng mga patakaran.