COVID-19 cases sa bansa, nagkakaroon ng general decrease pero tumataas kasabay ng pagluluwag ng quarantine status – NTF

Iginiit ng National Task Force against COVID-19 na hindi pa rin dapat magpakampante sa kabila ng pagkakaroon ng general downward trend ng COVID-19 cases sa bansa.

Sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) Lunes ng gabi, sinabi ni NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na nagkakaroon ng surge o biglaang pagtaas ng kaso sa mga lugar na niluluwagan ang restrictions o community quarantine status.

Kabilang sa mga lugar na nakikitaan ng pagtaas ng kaso ay ang Ilagan City kung saan napilitan muling ibalik ang lungsod sa mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang October 30.


“Sa bandang north po, Sir, tumataas ang kaso. Actually, tumawag po sa akin si Governor Albano na ginawa niyang ECQ ang Ilagan City. Iyang area ng Baguio last week ay tumaas din po,” sabi ni Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Iniulat ni Galvez na nagkaroon ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), CALABARZON, at Central Luzon.

Sinabi rin ni Galvez na hindi maganda ang sitwasyon sa ilang lugar sa Mindanao dahil tumataas ang kaso ng COVID-19 lalo na sa Bukidnon.

Samantala, ang mga miyembro ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team ay bibisita sa La Union, Nueva Ecija, Pangasinan, Laguna, Palawan, Cebu, Leyte at Negros Occidental para silipin ang ginagawang hakbang ng mga lokal na pamahalaan laban sa COVID-19.

Facebook Comments