Bumaba at nag-plateau na ang kaso ng COVID-19 na naitatala sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Ibig sabihin ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, napapanatili nang muli sa lebel na hindi na tumataas pa ang kaso o walang surge.
Sinabi ni Roque na nagkaroon man ng bahagyang pagtaas sa kaso partikular noong isang buwan dahil sa holiday season pero agad din naman itong naging stable.
Paliwanag pa ng kalihim, sa gitna ng muling pagbaba ng mga datos ay ang patuloy ring magandang recovery rate ng bansa na nasa 92.7%.
Una nang sinabi ng economic team ng administrasyon na irerekomenda nila kay Presidente Rodrigo Duterte na maisailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa sa susunod na buwan lalo na kapag nagtuloy-tuloy ang magandang datos.