COVID-19 cases sa lungsod ng Maynila, higit 20,000 na

Umaabot na sa higit 20,000 ang naitalang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila.

Sa pinakahuling datos ng Manila Health Department (MHD) sa isinagawa nilang COVID-19 monitoring, nasa 22,951 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa siyudad.

Sa nasabing bilang, 21,885 sa mga tinamaan ng COVID-19 sa Maynila ay nakarekober na.


Base pa sa tala ng MHD, aabot sa 646 ang kabuuang bilang ng mga pasyente na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 habang nasa 420 pa ang aktibong kaso.

Tuloy-tuloy pa rin ang ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Maynila na isailalim sa COVID-19 tests ang mga residente ng lungsod kung saan nasa 49,317 na ang bilang ng mga sumalang dito.

Nananatili pa rin bukas ang drive-thru at walk-in serology testing centers sa lungsod, hindi lamang para sa mga residente ng Maynila, maging sa ilang indibidwal sa ibang siyudad o kalapit na probinsiya na nais magpasuri.

Bukod dito, magkakaroon rin ng ikalawang bugso ng cash incentives para sa barangay na makapagtatala ng zero COVID-19 cases.

Ito’y sa pagitan ng December 2020 hanggang sa katapusan ng January 2021 upang mas lalo pang paigtingin ng mga opisyal ng barangay ang programa ng lokal na pamahalaan ng Maynila para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Facebook Comments