Posibleng sumampa ng hanggang 4,000 cases ng COVID-19 kada araw sa Metro Manila kung hindi naipatupad ng maayos ang pandemic protocols tulad ng social distancing, wearing of face masks, face shields ngayong holiday season.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, siyam na lungsod sa Metro Manila ang nasa moderate risk dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Bukod dito, ang lahat ng lungsod sa Metro Manila ay mayroong average daily attack rate na mataas na national average.
Maliban sa Metro Manila, nakikitaan din ng surge ng COVID-19 cases ang Cordillera, Cagayan Valley, Calabarzon, at Davao Region.
Maaari ring ma-overwhelm ang health system capacity ng hanggang 80% utilization sa katapusan ng Enero kapag walang ginawang hakbang para rito.
Aniya, mahina ang kapasidad ng mga ospital tuwing Enero dahil sa personnel transitions, end-of-contract o non-renewal ng job orders.
Sinabi naman ni Professor Ranjit Rye ng OCTA Research Team na ang mahabang holiday break ay tiyak na makakapagtaas ng COVID-19 sa buong bansa lalo na at maraming tao ang gustong lumabas ng kanilang bahay bunga ng pandemic fatigue.