Posibleng sumampa sa 100,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas pagsapit ng katapusan ng Agosto.
Ito ang babala ng isang eksperto mula University of the Philippines (UP) matapos na tatlong araw nang nakapagtatala ng hindi bababa sa 1,000 kaso ng COVID-19 kada araw.
Ayon kay Mathematics Professor Dr. Guido David, maaaring higit pa sa 100,000 ang tamaan ng sakit kung hindi babaguhin ng bansa ang sistema ng pagtugon sa pandemya.
Dapat aniyang higpitan ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga border, palawakin ang coronavirus screening at dalhin sa isolation facilities ang mga nagpopositibo sa virus sa halip na i-home quarantine.
Dapat din aniyang pag-aralan ng gobyerno ang transportasyon ng mga manggagawa matapos na tumaas ang bilang ng mga tauhan ng MRT-3 na tinamaan ng COVID-19.
Hinimok naman ni Prof. David ang publiko na laging magsuot ng face mask at sumunod sa physical distancing at proper hygiene.