Bagamat pinapayagan ng Department of Health (DOH) ang mayroong mild flu-like symptoms na sumailalim sa home quarantine.
Dini-discourage naman ni COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. ang publiko na gawin o sumailalim sa home quarantine kapag may sintomas ng COVID-19.
Ayon kay Galvez, sadyang mahirap i-monitor ang aktibidad ng mga ito kung kaya’t imbes na gumaling ay naikakalat pa nila ang virus sa sarili nilang pamilya at mga mahal sa buhay.
Inihalimbawa pa nito ang nangyari sa Cebu City, kung saan higit isang libong indibidwal ang isinailalim sa home quarantine pero nagawa pa ng mga ito na makipagkwentuhan at makisalamuha sa ibang indibidwal.
Sa panig naman ni Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega, kung mayroong sariling kwarto at sariling banyo ang isang pasyenteng nakitaan ng sintomas ng COVID-19, ay maaari itong magpa-home quarantine.
Pero kung wala, dapat mayroong nakatalagang holding area ang bawat Local Government Units (LGUs) para ma-isolate ang isang pasyente at kapag nag-negatibo ito sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test o Rapid test ay tsaka lamang papauwiin sa kanyang pamilya.