COVID-19 curve sa Pilipinas, mapa-flatten kung isang buwang ipatutupad ang MECQ ayon sa isang UP expert

Mapapabagal lamang ngunit hindi tuluyang mapa-flatten ang curve ng COVID-19 kapag ipinatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ilang karatig-probinsya.

Ayon kay UP Institute of Mathematics Dr. Guido David, makakatulong ang MECQ para mabawasan ang kaso ng local transmission ng virus dahil mas limitado ang galaw ang mga tao sa labas.

Gayunman, masyado aniyang mabilis ang dalawang linggo para ma-flatten ang COVID-19 curve.


Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni UP-Department of Political Science Professor Ranjit Rye na mas malaki ang tiyansang ma-flatten ang curve kung isang buwang paiiralin ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal gaya ng ginawa sa Cebu City.

At sa kauna-unahang pagkakataon, nararamdaman umano niya na hindi maaabot ng bansa ang 150,000 projected COVID-19 cases ng mga eksperto pagsapit ng katapusan ng Agosto.

Kasabay nito, muling iginiit ni Rye ang kahalagahan ng implementasyon ng “Test, Trace, Treat” o T3 at ang pagha-hire ng mas maraming healthcare workers.

Facebook Comments