Bumababa na ang naitatalang bagong bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Butch Ong ng University of the Philippines OCTA Research Team, nasa 0.87 na lang ang reproduction number ng COVID-19 cases sa bansa.
Ibig sabihin, kontrolado na ang transmission ng COVID-19 sa komunidad.
Base pa sa pag-aaral ng OCTA Research Team mula August 25 hanggang October 5, bumaba na rin ang positivity rate sa National Capital Region na ngayon ay nasa 8% na lang mula sa 14% na naitala noong katapusan ng Agosto.
Gayunman, lampas pa rin ito sa ideal rate na 5% ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Dr. Ong, malaki ang naitulong ng dalawang linggong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila para magkaroon ng downward trend sa COVID-19 cases.
“’Yong dalawang linggong timeout nay un was effective in creating the down trend in the number of cases. From 5,000 down to around 2,500 na lang ngayon, sometimes 3,000. Na-maintain po natin ‘yan mula noong Setyembre hanggang present which is a good indication na medyo natututo na ang mga tao na mag-mask, natututo na sila mag-social distancing, may disiplina na sila,” pahayag ni Ong sa interview ng RMN Manila.
Samantala, posibleng pumalo sa 350,000 hanggang 360,000 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng katapusan ng Oktubre.
“Ang high projection namin is at 410,000 total cases kapag nagkaroon tayo ng surge sa October. Sa ngayon nga an gating projection, lumampas na sa minimum, eh (320,000 to 330,000) so medyo papaunta tayo sa medium to high. So by the end of October, doon natin malalaman ang datos, ‘yong projection talaga kung safe na buksan ang ekonomiya to MGCQ,” dagdag pa ni Ong.