Malabo pang ma-flatten ang curve ng COVID-19 cases sa Pilipinas ngayong Hulyo o sa Agosto.
Ayon kay UP Institute of Mathematics Dr. Guido David, nakararanas ngayon ang bansa ng “surge” sa COVID-19 cases kung saan nasa 2,000 bagong kaso ng sakit ang naitatala mula sa 20,000 tests na isinasagawa kada araw.
Aniya, posibleng sa Setyembre pa humupa ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 kung uubra ang bagong pandemic protocols ng pamahalaan gaya ng localized lockdown at pag-a-isolate sa mga pasyente.
Makakatulong din ang extension ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila kung lilimitahan ang galaw ng 12 milyong populasyon nito kabilang ang asymptomatic carriers ng naturang respiratory disease.
Una nang nagbabala ang mga UP expert na posibleng pumalo hanggang 85,000 ang kaso ng COVID-19 pagsapit ng katapusan ng Hulyo.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH) kahapon, sumampa na sa 61,266 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 38,183 dito ang active cases.