Ibabase sa siyensya ng Metro Manila Council ang kanilang rekomendasyon kaugnay sa magiging lockdown status sa National Capital Region.
Kasunod na rin ito ng nakatakdang pagtatapos ng General Community Quarantine sa Metro Manila sa susunod na Linggo, September 30, 2020.
Ayon kay MMC Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, isa sa kanilang magiging basehan sa pagdowngrade ng GCQ papuntang Modified-GCQ ay ang ipe-presentang datos ng Department of Health sa dami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Giit ni Olivarez, kapag ibinaba sa MGCQ ang Metro Manila, alam nilang mas maluwag ang magiging protocol na ipatutupad ng mga Local Government Units kaya dapat itong maplansta ng maayos.
Anumang araw ngayong Linggo ay nakatakdang magpulong ang MMC para pag-usapan kung anong lockdown status ang kanilang irerekomenda sa Inter-Agency Task Force.
Kaugnay nito, sa interview ng RMN Manila kay Presidential Spokesman Harry Roque, sinabi nito na ang “COVID-19 case doubling rate at hospital critical care capacity” ang magiging batayan ng iatf para ilagay sa mgcq o hindi ang Metro Manila.
Simula kahapon, Sept. 23, 2020, umabot na sa 294,591 ang COVID-19 cases sa bansa kung saan 5,091 ang nasawi at 231,373 ang recoveries.