Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang short-term case fatality rate na 9 percent sa ‘Nikkei Asia’s latest COVID-19 recovery index’ ay naitala mula Agosto hanggang Oktubre.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang nakalkula ng ‘Our World in Data’ ay base sa ‘daily fatalities’ na nai-report mula Nobyembre 18 hanggang 27.
Aniya, ang 2,096 na iniulat na nasawi sa nasabing panahon ay 16 percent lamang noong Nobyembre habang 80 percent ang naganap sa pagitan ng Agosto hanggang Oktubre.
Paliwanag pa ni Vergeire, batid naman nila ang delay ng encoding ng mga death information sa COVIDKaya pero ginagawan na nila ito ng paraan para masiguradong maging up to date ang kanilang COVID-19 data.
Bumababa na rin aniya ang kaso ng COVID maging ang mga nasawi matapos ang peak noong Setyembre.
Kasabay nito, sinabi ni Vergeire na ang case fatality rate (CFR) ng bansa hanggang nitong Disyembre 7, 2021 ay nasa 1.61 percent at mas mababa sa global average na 2 percent.