Nagsagawa kamakailan ng pagsasanay ang Provincial Health Office ng La Union para sa mga swabbers nito bilang pagpapaigting sa COVID-19 detection sa mga residenteng tinatamaan ng sakit.
Dumalo sa Orientation on the Fundamentals of Biosafety and Security ang 75 indibidwal mula sa mga health workers at ilan pang miyembro ng lokal na pamahalaan na maaaring maging swabbers na pinangunahan ng Department of Health.
Ang mga ito ay mula sa iba’t-ibang bayan na kinabibilangan ng Agoo, Bacnotan, Bagulin, Balaoan, Bauang, Burgos, San Fernando City, Luna, Naguilian at iba pa.
Sa kasalukuyan, nasa higit dalawang libo ang aktibong kaso ng COVID-19 sa probinsiya.
Bagamat bumababa ang naitatalang kaso pinaiigting ng probinsiya ang contact tracing nito at nagsasagawa ng close monitoring sa mga barangay na isinasailalim sa lockdown.
Nakapagbakuna na rin ito ng 40. 22 % ng kanilang eligible population kung saan inaasahan ng provincial government na maabot ang 70% sa pagtatapos ng taon. ###