Iginiit ni Vice President Leni Robredo na hindi dapat gawing palusot para ipagpaliban ang 2022 elections ang COVID-19 pandemic.
Sa isang radio interview, sinabi ni Robredo na maraming bansa pa rin ang matagpumpay na nakapagsagawa ng halalan sa harap ng health crisis.
Kinabibilangan ito ng Estados Unidos, Singapore, Sri Lanka, South Korea, Belarus, at Myamar.
Naniniwala rin si Robredo na posibleng magbago ang takbo ng pagtugon sa pandemya sa tulong ng eleksyon.
Nabatid na lumutang ang pagpapaliban sa 2022 elections nang makiusap noong September 2020 si Pampanga 2nd District Representative Mikey Arroyo sa Commission on Elections (Comelec) na ikonsidera ito dahil marami pa ring tao ang takot na bumoto.
Tinabla ito ng Malacañang at sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may sapat na panahon para paghandaan ang eleksyon lalo na at nakamandato ito sa ilalim ng Konstitusyon.
Pero ipinauubaya na ng Palasyo sa Comelec kung susubukan nila ang bagong paraan ng pagboto sa pamamagitan ng mail, isang voting method na ginamit sa US.