Aabot sa $300 million o katumbas ng ₱14.5 billion ang maaaring hiramin ng Pilipinas para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos magkaroon ng breakthrough sa vaccine development sa ibang bansa.
Sa kanyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi dapat katakutan ang COVID-19 dahil ilang pharmaceutical companies sa Estados Unidos at China ang mayroong positive development sa kanilang potensyal na bakuna.
Kabilang sa mga tinukoy ni Pangulong Duterte ay ang Pfizer ng Estados Unidos at Sinopharm at Sinovac ng China.
Ngunit sinabi ni Pangulong Duterte na hindi agad mabibigyan ang Pilipinas ng bakuna lalo na at mas uunahin ng mga dayuhang pharmaceutical firms ang kanilang bansa.
Binanggit din ni Pangulong Duterte na nagbayad na ng first installment ang US para sa vaccine supply ng kanilang mga mamamayan.
Muling iginiit ni Pangulong Duterte na prayoridad na mabakunahan ay mga mahihirap habang ang mga nasa class ‘A,’ ‘B,’ at ‘C’ ay kayang bumili ng kanilang bakuna.
Naniniwala si Pangulong Duterte na may pag-asa na muli ang buong sangkatauhan dahil sa bakuna.