Bumubuo na ang gobyerno ng COVID-19 home care package para makatulong sa pagluwag ng mga ospital lalo na sa National Capital Region.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, layon nito na mabigyan ang mild at asymptomatic cases ng gabay sa kanilang mga dapat gawin habang naka-home quarantine.
Aniya, maglalaman ang COVID-19 home care package ng mga vitamin, mga paracetamol, thermometer, alcohol, face mask, face shield, disinfection supply at guidelines mula sa mga doktor.
Maliban dito, pinag-uusapan na rin kung isasama ang antibiotic at pulse oximeter sa package.
Tiniyak naman ni Vergeire na inaayos na ng DOH ang mga detalye kung paano makapagbabayad ang publiko sa teleconsultation fees.
Makikipag-ugnayan din sila sa Metro Manila mayors para sa COVID-19 home care package.