Bumuo ang Lokal na Pamahalaan ng Makati ng COVID-19 Home Care Program para sa mga pasyenteng may mild infection na nananatili sa kanilang tahanan.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, layon nito na magamot ang COVID-19 patients na nasa ilalim ng Home Isolation kung saan bibigyan sila ng Home Care Package.
Nakapaloob dito ang handbook na nagsasaad ng mga wastong paraan upang hindi na makahawa sa mga miyembro ng pamilya na kasama sa tahanan, medical kits, monitoring sheets at maintenance medicine.
Paliwanag ng alkalde, bukod sa handbook ay mayroong inilaang dalawang online consultations para sa pasyente upang makausap nito ang doktor.
Pero nilinaw ni Binay na ang pahihintulutan lamang na mag-isolate sa bahay ay mayroong sariling kwarto at banyo at walang kasamang miyembro ng vulnerable group.
Sa mga nakalipas na linggo ay pinagtuunan ng pansin ng lungsod ang pagtatayo ng karagdagang quarantine facilities dahil sa pagtaas ng symptomatic cases ng COVID-19 sa Ospital ng Makati.