Kinumpirma ng St. Luke’s Medical Center sa Quezon City at Global City na punuan na ang kanilang COVID-19 wards at Intensive Care Units (ICU) dahil sa panibagong paglobo ng mga kaso ng coronavirus disease.
Pero, bukas pa rin ang SLMC na tumanggap ng non-COVID-19 cases, partikular ang mga outpatients at inpatients.
Ginawa ng SLMC ang anunsyo dalawang araw matapos ihayag ng Octa Research group na umabot na sa 1.95 ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region dahil na rin sa record-high numbers ng mga bagong kaso.
Ayon pa sa OCTA Research Group, maaabot na ang 100% total bed at ICU capacity ng Metro Manila pagsapit ng Abril 2021.
Tiniyak ng SLMC sa publiko na magpapalabas ito ng abiso hinggil sa mga developments sa kanilang pagamutan.