Patuloy na kumakalat ang COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon sa bansa lalo na at nananatiling mataas sa 1 ang reproduction rate.
Ayon kay OCTA Research Team Fellow at University of the Philippines (UP) professor Dr. Guido David, ang kasalukuyang reproduction rate o “r-naught” sa bansa ay nasa 1.25, ibig sabihin aktibong kumakalat ang virus sa mga komunidad.
Dagdag pa ni David, ang pagtaas ng r-naught sa bansa ay dahil sa pagtaas ng bagong COVID-19 cases sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Isabela, Benguet, Kalinga, Cebu, Davao at Misamis Oriental.
Tutol din siya na payagan ang mga batang may edad 10-taong gulang pataas na lumabas sa kanilang mga bahay.
Aniya, ang hakbang na ito ay tila ‘inconsistent’ sa polisya na nagbabawal sa face-to-face classes sa harap ng pandemya.
“Hindi nga natin sila pinapayagan na pumasok sa eskwelahan pero papayagan nating pumunta sa mall? Parang hindi naman consistent iyon. Gusto natin ma-stimulate ang economy pero there are other ways,” ani David.
Punto pa ni David, ang mga batang wala pa sa 16-anyos ay hindi pa maaaring makatanggap ng COVID-19 vaccines.